Matagal ko nang batid ang tungkol sa aklat na ito ng (noon ay bagong) manunulat na si Bebang Siy. Nanalo kasi ito sa kauna-unahang Filipino Reader’s Choice Awards na kaakibat ng Filipino Reader Conference noong 2012 sa kategoryang Essay Anthology. Agad akong naghanap ngunit naubusan na raw ng kopya nito ang mga bookstores na malapit sa amin. Nakiusap pa ako sa aking kaibigan na isabay ako sa kanyang pagbili nang siya ay makakita ng ilang kopya sa kanyang sariling paghahanap.
Ang It’s a Mens World ay koleksyon ng mga sanaysay at kwento na halaw sa buhay at mga karanasan ng manunulat nito na si Bebang. Karamihan dito ay nangyari noong mga taon ng kanyang kabataan, hanggang sa siya ay magka-edad at nagkaroon ng mas malawak pang pang-unawa sa mundo at mga bagay na nagpapaikot dito. May mga kwentong nakakaantig ng puso, may mga kwentong nakakatawa, at meron ding ilan na makapagpapaalala sa iyo ng isang bahagi ng sarili mong buhay – marahil dahil personal mong naranasan ang nasa kwento o di kaya nangyari ito sa isang taong malapit sa iyo.
Sa lahat ng mga salaysay na nakapaloob sa akdang ito, mayroong dalawa na nagdulot ng kirot at kalungkutan sa aking puso: ito ay ang Sa Ganitong Paraan Daw Namatay Si Kuya Dims at Ang Lugaw, Bow. Sa kwentong Sa Ganitong Paraan Daw Namatay Si Kuya Dims, isiniwalat ng manunulat ang isang matapang at matatag na bahagi ng kanyang pagkatao. Hindi lahat ng tao – babae man o lalaki – ay magkakaroon ng lakas ng loob na tanggapin at, sa pagkakataong ito, ilantad ang isang maselang karanasan na nangyari noong siya’y isang bata pang walang muwang. Naiisip kong isang paraan ito ng catharsis o paglalabas ng mga natatagong hinanakit, ngunit napakahirap ring isipin na ito ay isa ring paglalantad ng pasumandaling dumilim na saglit noong kanyang kabataan. Wari ko ay wala akong lakas ng loob na isulat ang ganoong pangyayari sa buhay ko, at dahil sa kanyang katapangan, nagpupugay ako kay Bebang.
Sa kabilang dako, naalala ko naman ang aking pumanaw na ama sa kwentong Ang Lugaw, Bow. Katulad ng tatay sa kwentong ito, laging inuuna ng aking tatay – ang tawag ko sa kanya ay Daddy – ang mga pangangailangan naming magkapatid bago niya intindihin ang kanyang sarili.
*
Madaling basahin at intindihin ang aklat na ito, ngunit naisip ko na kung walang kalakip na katapangan o katapatan ang mga salaysay na nilalaman nito ay magiging isa lamang itong ordinaryong akda na kayang ibalangkas ng kahit sinong may kakayahang magsulat at may mga katulad na karanasan. Sa aking aba at hamak na opinyon, hindi ko maituturing na hindi pangkaraniwan o exceptional ang It’s A Mens World sapagkat wala naman itong iniaalay na kakaiba sa aking panlasa. Maaaring napatawa ako nito sa ilang kwento o nakapagdulot ng kalungkutan sa iba, ngunit ito ay hindi nag-iwan ng matinding impresyon sa akin upang ituring ko ito bilang isang pambihira o natatanging akda.
Rating: ★★★
Book Details: Trade paperback, brand-new
4 comments:
Wow, in Tagalog. Kung ako ito, sobrang effort na talaga. ♥
MOMMY L: Two days ko pong sinulat yan. Haha. And I have to admit that I Googled several Tagalog translations for accuracy. :D
Ay, ang effort! Di pa yata ako nakakagawa ng blog post in Tagalog.
Hooray sa effort nga! Lovely review, Monique! (Sorry, I can't comment in Filipino.:D)
Post a Comment